Friday, July 17, 2009
Nasaan si Selina Silva?
At nalalapit na ang napipintong pag-aaklas. Nasaan na si Selina Silva? Iyan ang tanong sa isipan niya habang mabilis niyang tinatakbo ang maputik at basang kahabahan ng Jones sa may Sta. Cruz. Hindi niya inaalintana ang ang mabagsik na ulan, tatakbo siya at kailangan marating niya ang puso ng Intramuros bago dumating ang mga traydor sa sistema. Hindi maaring masawi si Selina sa labanang ito. Hindi maaring dumanak maski gapatak na dugo sa kanyang katawan, hindi siya papayag, kailangang mailigtas si Selina.
Ilang buwan ding pinagplanuhan ang pag-aaklas. Marami ang natuwa at nagbigay ng suporta ngunit sa paglipas ng panahon, ang bawat prinsipyo ay nabili ng sakim na sistema. Ang dating pagkakaibigan at pagsasanggang-dikit ay ngayon nagkaroon ng lamat. Nabulag ng makinang na salapi ang ang bawat bukas na mga mata na nakakakita sa katotohanan. Hindi na napanghawakan ang mga pangako, ngunit lalaban parin sila. Lalaban ang mga natitirang matatapang. Lalaban sila kahit buhay ang kapalit. Para ito sa kabutihan ng nakararami, ang mga nakararaming sinumpaan nilang paglilingkuran hanggang sa huli.
Bago pa man buuin ang plano ng pag-aaklas, bago pa man dumating sa sukdulan ang lahat, nandoon na siya. Lihim na nagmamahal kay Selina. Nagkakasalubong sila paminsan-minsan, nag-uusap kung kinakailangan, ngunit mas madalas ay nilalampas-lampasan niya lamang ito. Iyon siya, kahit alam niya sa sarili niya na mahal na mahal niya si Selina ay hindi niya ito pinapansin. Nililinlang niya ang karamihan sa kanyang kasupladuhan ngunit lingid sa kaalaman ng lahat, kapag nakakulong siya sa apat na dingding ng kanyang silid ay halos sambahin niya ang mga larawan ni Selina na palihim niya ring ninakaw. Ang apat na dingding lamang ng silid na yaon ang mga piping saksi sa sa wagas niyang pag-ibig na hindi niya kayang ipakita o iparamdam man lamang.
Naalala niya ng minsang nagpadala siya ng mga bulaklak sa para kay Selina. Naroon siya ng matanggap ni Selina ang mga bulaklak. Halos lahat ng naroon sa loob ng opisinang iyon ay pinag-usapan ang misteryosong nagpadala ng mga bulaklak. Hindi siya nakikisali, tuloy parin ang pag-ikot ng mundo niya. Ilang beses na niyang ginagawa ito. Sa katunayan, tatlong taon na niyang ginagawa ito. Ngunit ni minsan ay hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob na sabihin kay Selina ang totoo. Tama na sa kanya ang makita ang ngiti sa mga labi ni Selina sa tuwing matatanggap nito ang mga ipinapadala niya.
Sa di kalayuan ay natatanaw na niya ang lugar na nagkukubli kay Selina at sa mga prinsipyong ipinaglalaban niya. Sa loob ng kublihang iyon naroon ang mga taong pasimuno sa sa pag-aaklas. Ang mga taong naniniwala parin sa tungkuling sinumpaan nila. Sa ilang minuto lamang, maaring mautas lahat ng buhay ng mga matatapang na ito, maaaring makasama si Selina sa mga magbubuwis ng buhay para sa kapakanan ng nakararami.
Basang-basa na siya ng ulan. Malungkot ang awit ng mga ibon, hindi maintindihan ang saliw ng mga dahon, Nag-aantay si kamatayan sa hindi kalayuan at nakikisimpatya ang langit sa naghihinagpis na mga puso ng mga api.
“Nasaan si Selina Silva?”
Humahangos siya ngunit bakas sa mga mata ang determinasyong mahanap ang babae.
“Nasaan si Selina Silva?”
Natulo na ang mga luha sa kanyang mga mata
“Nasaan si Selina Silva?”
Nasaan nga ba si Selina?
Tila isang mabisang lunas sa gitna ng epidemya, diyan niya inihahalintulad si Selina. Isang pag-asa.
“Bakit mo ako hinahanap Greg?”
Hinigit niya ang kamay ni Selina at itinakbo papalayo sa kublihang iyon. Itatakbo niya si Selina, malayong-malayo sa lugar na iyon. Kahit ang bagsik ng ulan ay hindi mapipigil ang plano niya. Kailangang masabi niya kay Selina ang mga bagay na nais niyang sabihin, maaring hindi na niya masabi ito sa pagputok ng bukang liwayway.
“Anong problema mo Greg, kailangan nila ako doon.”
Nakatitig lamang siya kay Selina habang gumuguhit sa mukha nito ang bawat patak ng ulan.
“Nagpunta ako dito upang ilayo ka sa kublihan, susugod sila diyan sa loob ng ilang minuto, itatakas kita.”
“Greg, pinili ko ang landas na ito. Ang pag-iwan ko sa kanila upang isalba ang sarili kong buhay ay hindi kasama sa mga pinaniniwalaan ko.”
“Buburahin nila ang bawat ala-ala niyo sa mundong ito.”
“Mabura man ako sa kasaysayan, alam kong sa puso ng karamihan, ang karamihang pinili kong pagsilbihan, kahit kailan hindi mabubura ang ala-ala ko.”
Niyakap niya si Selina ng ubod higpit hanggang kaya niya.
“Greg...”
“Oo, ako nga. Ako nga.”
“Bakit hindi ko napagtantong ikaw.”
“Dahil ayokong malaman mo.”
“Salamat sa lahat.”
“Mahal kita.”
“Mahal rin naman kita.”
Pansumandali silang nabaot ng katahimikan. At pagkatapos, mula sa kabilang kanto ay sumigaw ang isa sa mga taksil at umalingawngaw ang isang putok. Bumagsak ang isa sa mga katawan, naghalo ang putik at ang dugo at nautas ang isang buhay sa pagsabog ng bukang liwayway.
Nalalapit na ang napipintong pag-aaklas, nasaan si Selina Silva? Nasaan siya?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment